Ang Balangkas ng Mateo 3:13-17
- Pumunta si Jesus sa Ilog Jordan (13)
- Ang Tutol ni Juan at ang Sagot ni Jesus (14-15)
- Ikaw ang dapat magbautismo (sa akin) (14)
- Tuparin natin ang hinihingi ng Kagustuhan ng Diyos (15)
- Ang Pagpapakilala kay Jesus
- Ang pagbukas ng kalangitan (16a)
- Ang pagdapo ng Banal na Espiritu (16b)
- Ang Tinig mula sa Langit (17)
Ang Teksto
13 Dumating si Jesus
sa Ilog Jordan
mula sa Galilea
upang magpabautismo
kay Juan.
14 Ngunit tumututol si Juan
at patuloy na sinabi,
"Ako po
ang dapat magpabautismo
sa inyo!
Bakit kayo
nagpapabautismo
sa akin?"
15 Subalit sumagot
si Jesus,
"Hayaan mo itong
mangyari ngayon;
sapagkat ito
ang nararapat nating gawin
upang matupad
ang kalooban ng Diyos."
Kaya’t pumayag din si Juan.16 Nang siya’y mabautismuhan,
umahon si Jesus
sa tubig.
Biglang nabuksan ang langit
at nakita ni Jesus
ang Espiritu ng Diyos
na bumababang
parang isang kalapati
at dumapo sa kanya.
17 At isang tinig
mula sa langit
ang nagsabi,
"Ito ang minamahal kong Anak
na lubos kong kinalulugdan!"
Maiksing Paliwanag
Kung paghahambingin natin ang mga salaysay ni Mateo, Markos at Lukas tungkol sa pagbabautismo kay Jesus, mapapansing nagsingit si Mateo ng isang eksena na hindi makikita sa ebanghelyo nina Markos at Lukas. Ito ang mga talata 14-15 kung saan ayaw payagan ni Juan Bautista na sa kanya magpa-bautismo si Jesus. Sa loob ng konteksto ng salaysay tungkol sa ministeryo ni Juan Bautista, kapansin-pansin ang mga talata 11-12 na binigkas ni Juan sa pandinig ng mga Pariseo at Saduseo na lumapit sa kanya.
11 Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ang siyang magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. 12 Hawak na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman."
Nakilala ni Juan si Jesus na siyang "magbabautismo sa Espiritu Santo at sa apoy" at nagmamay-ari ng sandalyas na wala siyang karapatang dalhin. Bukod pa rito, ay alam na natin — batay sa mga salaysay ng kapanganakan ni Jesus — na ang bagong dating ay ang "Mesiyas" ("Cristo" sa Griyego, Mateo 1:16) and "anak ni David" (Mateo 1:1) at "anak ng Diyos" (cf. Mateo 2:15) na hinihintay ng lahat. Marahil ay idinagdag ni Mateo ang eksenang ito bilang tugon sa mga katanungan ng mga alagad ni Juan tungkol kay Jesus na Nazareth: "Kung siya nga ang Cristo, bakit siya nagpa-bautismo kay Juan Bautista?"
Ang tugon ni Jesus sa "pagbabawal" ni Juan, sa literal na pagkakasalin, ay ganito:
Ipahintulot mo na muna ito ngayon
tungkulin natin ang tuparin
ang lahat ng hinihingi ng Katuwiran
Ang salitang isinalin natin sa salitang "katuwiran" ay ang Griyegong dikaiosunh dikaiosune na may pakahulugang may kaugnayan sa "tama/nasa tama" (sa Ingles, "right/in the right/right-eous"). Kung maaalala ang salaysay ni Judah at Tamar kung saan kinailangan pang itong huli ay magpanggap na kalapating mababa ang lipad upang ipamukha sa kanyang biyenang lalaki ang tungkulin nito sa batas ng levirato, sinabi ni Judah: "Mas tama siya kesa sa akin" ( ynmm hqdc tsadekah mimmeni) (Gen. 38:26). Kung kaya naman tama ang pagkakasalin sa Magandang Balita Bibliya kung saan ang dikaiosunh dikaiosune ay iniliwat na "ayon (tama) sa kalooban ng Diyos". Samakatuwid, kinailangang si Juan ang magbautismo kay Jesus upang matupad ang kani-kanilang mga tungkulin ayon sa pasiya ng Diyos.
Pagkatapos mabautismuhan si Jesus, ay may naganap: ang pagbubukas ng langit upang mapahintulot ang pagdapo ng Banal na Espiritu sa hugis ng isang kalapati kay Jesus at ang Tinig na nagpapaliwanag kung sino si Jesus1. Lalo pang naging matingkad ang yugtong ito dahil sa pagdagdag ni Mateo ng salitang "idou idou" (dalawang beses, sa talata 16 at 17), isang pandamdam na ang ibig sabihin ay "Tingnan!" ("Behold" sa Inggles). Ang pandamdam ay ginamit upang ipagdiinan ang pagbaba at pagdapo ng Banal na Espiritu (16) at ang Tinig na nagmula sa langit (17).
Kay Markos at Lukas, ang Banal na Espiritu ay sinabing bumaba mula sa langit; si Mateo ang nag-kwento na ito’y bumaba at dumapo kay Jesus. Ang pagdapo ng Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati kay Jesus ay ang pagtanggap nitong huli ng Espiritu na binabanggit sa isang talata ng Isaias kung saan ipinapahayag ng Diyos ang kanyang Aliping Kinalulugdan
Tingnan ninyo
ang aking alipin
na siyang tinutulungan ko,
ang aking hinirang
na lubos kong kinalulugdan.
Inilagay ko sa kanya
ang aking Espiritu
at igagawad niya
ang katarungang sa mga Hentil. (Is. 42:1)
Ang talatang nabanggit ay isa sa mga talata tungkol sa Aliping Nagsusumakit ni Yahweh. Ito’y muling ipinarinig ng Tinig mula sa langit na may karagdagan: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak”. Ang katagang ito — sa loob ng konteksto ng kabuuan ng salaysay ni Mateo — ay tumutukoy sa kapanganakan ni Jesus. Siya na sakramento ng Emmanu-el, “Ang Diyos sa ating Piling”, ay napakita na may luwalhati ng Anak (Juan 1:14) — sabi nga ng ebanghelistang Juan. Kaya nga, sa pagpapakilala ng Tinig kay Jesus, makikitang ang binautismuhan ni Juan ay tutupad sa kagustuhan ng Diyos bilang Cristong Alipin ng Diyos na magpapakasakit para sa kaligtasan ng lahat.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Saan pumunta si Jesus? Saan siya galing? Ano ang kanyang pakay?
- Para saan ang bautismo ni Juan? Si Jesus ba ay makasalanan? Gusto ba ni Juan na bautismuhan siya? Sino ayon kay Juan ang dapat mag-bautismo?
- Ano ang sagot ni Jesus sa kanya?
- Pagkatapos mabautimuhan si Jesus, ano ang nangyari? Sino ang nakakita nito?
- Ano ang kahulugan ng pagdapo ng Espiritu ng Diyos kay Jesus? Ano ang kaibahan ng "pagdapo" sa "pagbaba"?
- Sino ang kinakausap ng Tinig sa pagpapakilala ng kanyang Anak?
Pakinggan ang Podcast “Ang Pagbabautismo kay Jesus”
Print This Post
Email This Post
- Sa ebanghelyo ni Markos ang kalangitan ay napunit upang ipahayag ang panibagong pakikipag-ugnayan ng Diyos sa tao. Markos 1:10. Sa katapusan ng paghihirap ni Jesus sa krus, ang kurtina ng Banal na Lugar ng Templo naman ang napunit upang magkaroon ng panibagong pakikipag-ugnayan ang tao sa Diyos. Markos 15:38 [↩]
You must log in to post a comment.