Balangkas ng Mateo 4:12-23
- Ang Umpisa ng Ministeryo ni Jesus (12-17)
- Ang pagpunta ni Jesus sa Cafernao (12-13)
- Ang Katuparan ng Propesiya (14-16)
- Ang Turo ni Jesus (17)
- Ang Unang Bunga ng Kanyang Ministeryo (18-22)
- Ang Pagtawag kay Simon at Andres (18-20)
- Ang Pagtawag sa mga anak ni Zebedeo (21-22)
- Somaryo ng Ministeryo ni Jesus (23)
Ang Teksto
12 Nang mabalitaan ni Jesus
na ibinilanggo si Juan,
bumalik siya sa Galilea.
13 Ngunit hindi na siya
sa Nazaret nanirahan,
kundi sa bayan ng Capernaum
na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea
na sakop ng Zebulun at Neftali.
14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,15 "Lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali,
daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
sa Galilea ng mga Hentil!
16 Ang mga taong nasa kadiliman
ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
ay sumikat ang liwanag."17 Magmula noon
ay nangaral na si Jesus.
Itinuturo niyang,
"Magsisi na kayo
at talikuran ang inyong mga kasalanan
sapagkat malapit nang dumating
ang kaharian ng langit."18 Minsan,
naglalakad si Jesus
sa tabi ng Lawa ng Galilea.
Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa
ang dalawang mangingisda,
si Simon na tinatawag ding Pedro,
at ang kapatid niyang si Andres.
19 Sinabi ni Jesus sa kanila,
"Sumunod kayo sa akin
at gagawin ko kayong
mga mangingisda ng mga tao."
20 Noon di’y iniwan nila
ang kanilang mga lambat
at sumunod kay Jesus.21 Nagpatuloy siya ng paglalakad
at nakita rin niya
ang magkapatid na Santiago at Juan
na mga anak ni Zebedeo.
Sila’y nasa bangka
kasama ng kanilang ama,
at nag-aayos ng lambat.
Tinawag din sila ni Jesus.
22 Agad nilang iniwan
ang bangka
at ang kanilang ama,
at sumunod kay Jesus.23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea.
Nagtuturo siya sa mga sinagoga
at ipinapangaral ang Magandang Balita
tungkol sa paghahari ng Diyos.
Pinapagaling din niya ang lahat ng mga taong
may sakit at karamdaman.
Maiksing Paliwanag
Ang Mateo 4:12-23 ay ang maringal na simula ng paninilbihan ni Jesus bilang ang Cristong Anak at Alipin ng Diyos. Matatandaan na ito ang pakilala sa kanya ng Tinig na mula sa langit noong siya’y bautismuhan ni Juan Bautista. Sinabi kong “maringal” ang simula ng kanyang paninilbihan sapagka’t ito rin, ayon kay Mateo, ang pagsasakatuparan ng Isaias 8:23-9:7. Kung babasahin natin ang mga talatang ito ni Isaias, mauunawaan na ang magdadala ng panibagong pag-asa sa mga “taong nakatira sa gitna ng karimlan” ay isang sanggol na kapag lumaki na’t naghari ay magdudulot ng kapayapaan at katarungan sa “Galilea ng mga Hentil”. Ang mga salita ng propesiyang ito ay ginamit sa pagsasalarawan ng paglipat ni Jesus sa Cafarnao, “na nasa lupain ng Zebulun at Neftali”, at ang pagsisimula ng kanyang pagpapahayag ng paghahari ng Diyos.
“Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.” Ito ang buod ng turo ni Jesus (Mat. 4:17). Ito rin ang buod ng pahayag ni Juan (Mat. 3:2). Ang tungkol sa kaharian ng langit ang magiging laman ng ipapahayag ng mga apostol na isusugo ni Jesus (Mat. 10:7).”
Isang salita lamang sa Griyego ang isinalin sa katagang “magsisi na kayo at talikdan ang kasalanan”. metanoiete metanoiete na sa literal na pagsasalin ay “baguhin ang inyong pag-unawa”. Sa likod ng salitang ito ay ang pag-iisip na ang estilo ng pamumuhay ay mababago lamang kung ang pagpapasiya ng isang tao ay mababago; at ang pagpapasiya ay mababago kung magbabago rin ang pag-unawa ng isang tao. Baguhin ang pag-unawa at mababago rin ang pagpapasiya; at ang bagong pagpapasiya ay makikita sa isang bagong estilo ng pamumuhay. Kaya nga ang pagkakaliwat sa katagang “magsisi at talikdan ng kasalanan” ay nagsasaad ng isang pagbabagong radikal na makakaapekto sa mga itinuturing ng isang tao na mahalaga (“radical change in one’s value system”).
Kailangang magbago sapagka’t ang paghahari ng Diyos ay malapit nang dumating. Ang katagang basileia tou Qeou basileia tou theou ay may dalawang katumbas: paghahari ng Diyos o kaya’y kaharian ng Diyos. Ang “kaharian ng Diyos” ay may diwang tumutukoy sa lugar ng pinaghaharian; ang “paghahari ng Diyos” ay mas dinamiko — ito’y tumutukoy sa kapangyarihang sumasakop sa pinaghaharian. Sa Mateo ginagamit ang katagang “kaharian/paghahari ng langit” bilang katumbas ng “kaharian/paghahari ng Diyos”. Ang kaharian/paghahari ng langit na sinimulang itaguyod ni Jesus ay ang paghahari ng Diyos na nais ipakilala ni Jesus na “Ama” — Amang Makatarungan at nagnanais ng Kapayapaan para sa Kanyang mga Anak. Kung kaya’t kailangang ihanda ang sarili upang mapasakop sa Kanyang paghahari. Ang ilang halimbawa ng mga pagbabagong ninanais ni Jesus ay matatagpuan sa kanyang Sermon sa Bundok, Mateo 5-7.
Ang mga unang bunga ng pahayag ni Jesus tungkol sa kaharian ng langit ay ang mga unang alagad na pawang magkakapatid. Tumawag si Jesus ng mga magkakapatid sapagka’t ang kanyang itataguyod na kaharian ay nais niyang maging isang sambahayan, isang pamilya ng Diyos. Mahalagang idiin na ang pagsunod kay Jesus ay bunga ng pagbabagong-buhay. Sa salaysay ng pagtawag sa mga alagad, ang pagtugon ng mga mangingisda ay “kaagad-agad” hindi “patumpik-tumpik”, at kanilang iniwan ang kanilang dating pamumuhay pati na kamag-anak upang sundan ang mga yapak ni Jesus.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Kailan bumalik si Jesus sa Galilea? Tumira pa rin ba siya sa Nazareth? Saan siya nanirahan? Saan matatagpuan ang Cafarnao?
- Anong propesiya ang natupad noong lumipat si Jesus sa Cafarnao?
- Ayon sa propesiyang ito, ano ang mangyayari sa lugar ng Zebulun at Neftali?
- Ano ang isa pang tawag sa mga lugar na ito?
- Paano isinasalarawan ang mga taong nakatira sa mga lugar na ito?
- Ano ang mangyayari sa kanila?
- Sino ang Liwanag na makikita sa Galilea ng mga Hentil?
- Mayroon ka bang naaalalang salaysay sa Mateo kung saan si Jesus ay sinasabing may kaugnayan sa Liwanag?1
- Mayroon ka bang naaalalang talata sa iba pang ebanghelyo kung saan si Jesus ay sinasabing Liwanag?2
- Ano ang itinuro ni Jesus?
- Sa kanyang pagtuturo, may tinawag siyang naging kanyang mga alagad. Sino-sino ang mga ito? Ano ang kanilang gawain?
- Ano ang ibig sabihin ng "mamamalakaya ng tao?"3
- May kaugnayan ba ang pamamalakaya ng tao sa kaligtasan?4
- Nang tawagin ni Jesus ang mga mangingisda, nagpatumpik-tumpik ba sila?
- Paano sila tumugon sa tawag ni Jesus?5
Print This Post
Email This Post
- Ang liwanag ng bituin at si Jesus na natagpuan ng tatlong Mago, sa Mateo 2. [↩]
- Sa prologo ng Juan, at sa Sulat sa mga taga-Efeso [↩]
- Tingnan ang Habakuk 1:14-15 [↩]
- Oo. Ang pangingisda ay pagkuha ng isda mula sa dagat. Ito’y para sa ikabubuhay ng tao. Ang tao na nasa dagat ay nasa panganib na mamatay sapagka’t hindi siya nilikha upang tumira doon. Kung siya’y iaahon mula sa dagat at ibabalik sa lupa, siya’y maliligtas sa panganib. [↩]
- Agad-agad silang sumunod … iniwan nila ang kanilang ama at naglakad sa likuran ni Jesus [↩]


You must log in to post a comment.