Ang Balangkas ng Mateo 5:1-12
- Si Jesus at ang mga Tao sa Bundok (1)
- Ang Walong (o Pitong) Makarismo (3-10)
- Ang Iglesyang Inuusig (11-12)
Ang Teksto
1 Nang makita ni Jesus
ang napakaraming tao,
umakyat siya sa bundok.
Pagkaupo niya
lumapit ang kanyang mga alagad
at sila’y tinuruan niya.3 "Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.
4 "Mapalad ang mga nagdadalamhati,
sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
5 "Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
6 "Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,
sapagkat sila’y bubusugin.7 "Mapalad ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
8 "Mapalad ang mga may malinis na puso,
sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 "Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.
10 "Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.11 "Mapalad kayo
na nilalait at inuusig ng mga tao,
at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan
na pawang kasinungalingan a nang dahil sa akin.
12 Magsaya kayo at magalak
sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.
Gayundin ang ginawa ng mga tao
sa mga propetang nauna sa inyo."
Maiksing Paliwanag
Ang Mateo 5:1-7:28 ay ang kilalang “Sermon sa Bundok”. Dito’y isinasalarawan ni Mateo si Jesus bilang ang Bagong Moyses at ang kanyang mga turo bilang ang “Torah ng Mesiyas”. Sa loob ng konteksto ng “Sermon sa Bundok” ay ang Mateo 5:3-12. Kung ang kabuuan ng “Sermon sa Bundok” ay ang “Saligang-Batas ng Kaharian ng Diyos”, ang 5:3-12 ay nagsisilbing “punong-sabi” (“preamble”) nito.
Ang Mateo 5:1-2 ang nagbibigay ng tagpo ng “sermon”. Nakita ni Jesus ang “napakaraming tao” — silang mga sumunod sa kanya mula sa iba’t ibang panig ng lupain. Sabi nga sa Mateo 4:25, ang mga tao’y nagbuhat sa “Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.” Nang makita ni Jesus ang mga dumagsa sa kanya, umakyat siya sa bundok, umupo at nagturo. Ang larawan na ibinibigay ni Mateo sa tagpong ito ay si Jesus na parang gurong nakaupo, napapaligiran ng kanyang mga alagad, at sa labas ng bilog na ito, ang maraming tao na nais magpagaling, o nagdala ng mga may-sakit, o nais makinig at marahil ay pati iyong mga nang-uusyoso lamang.
Sa pandinig ng mga ito, nag-umpisa si Jesus sa pagbigkas ng mga “makarismo.” Ang “makarismo” ay isang kasabihang binubuo ng mga salitang “Mapapalad kayo”, ang mga taong tinatawag na mapalad at ang dahilan kung bakit sila’y mapalad. Ang mga “makarismo” ay madalas matagpuan sa mga aklat ng propeta, mga Awit, at aklat ng mga Paham. Ang mga kasabihang ito’y nagmula sa mga pagpapala at mga sumpa na binigkas ng mga Israelita bilang patunay sa kanilang pagtanggap sa pakikipagtipang ginawa nila sa bundok ng Sinai1. At sa impluwensya — marahil — ng mga paham at mga propeta ng Israel, ay naging gawi ang pagbigkas ng mga makarismo. Mapapansing sa ebanghelyo ni Lukas 6:20-26, hindi lamang pagpapala kungdi pati na rin ang panaghoy para sa mga tatamaan ng mga sumpa ang binigkas ni Jesus.
Ang Mateo 5:3-12 ay nahahati sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay binubuo ng walong makarismo, ngunit dahil ang una at ang huli ay kapwa may dahilang “sapagka’t mapapasakanila ang paghahari ng Diyos”, binilang ito ni San Agustin2 na isa lamang, kung kaya’t ang mga makarismo sa bahaging ito — kung susundin natin ang si Agustin — ay pito lamang, na sa numerolohiya ng Bibliya ay isang bilang na ganap.
Ang ikalawang bahagi (tt. 11-12) ay ang aplikasyon ng mga naunang makarismo sa mga nagpapasakop sa Kaharian ng Diyos. Sila ay iyong mga nagdaranas ng kung anu-anong paghihirap dahil sa kanilang pagsalig sa mga turo ni Jesus. Sila ang pinaglalaanan ng “isang malaking gantimpala mula sa langit”.
Kung iisa-isahin ang mga makarismo sa unang bahagi, mapapansing ang mga ito’y tumutukoy sa mga taong may mga katangiang kahit sa Lumang Tipan ay kanais-nais sa Diyos. Ang mga “dukha sa espiritu” ay ang mga “anawim” na wala ng ibang inaasahan kungdi ang Diyos. Ang mga “nagdadalamhati” ay yaong dahil sa kanilang pagsalig sa Diyos ay nakakaranas ng mga sama ng loob dulot ng kanilang mga kaaway, o ng mga walang pananampalataya. Ang mga “maamo/mapagkumbaba” ay iyong mga hindi gumaganti sa mga nang-aalipusta’t nananakit sa kanila at hindi nagmamatigas. Ang mga “nagugutom at nauuhaw sa katuwiran/katarungan” ay silang nagnanasang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos. Ang mga “mahabagin” at ang mga “gumagawa ng paraan para sa kapayapaan” ay mga katangiang hinahanap sa mga taong nagnanais mamuhay sa loob ng sambayanan ng pananampalataya. At ang “malinis na puso” ay iyong “simplex cor” na walang ninanais kungdi ang sundin ang kalooban ng Diyos.
Ang mga nabanggit ay tinatawag na “mapapalad” sapagka’t mararanasan nila ang mga gantimpalang napapaloob sa paghahari ng Diyos: ang katarungan at kapayapaan. Mapapansing ang mga dahilang binabanggit sa tt. 3-10 ay magkakaugnay: “ang kaharian ng langit (3.10)” na mamanahin ng mga sasakupin nito ay may dala-dalang aliw mula sa Diyos (4), isang bagong langit at lupa (5), katarungan (6), habag ng Diyos (7), harapang pakikipag-ugnayan sa Diyos (8) at ang maipakilalang mga anak ng Diyos (9). Hindi nga ba’t ito rin ang mga “gantimpalang” mababasa sa mga talatang tungkol sa kinabukasang inilalaan para sa mga kasapi ng sambahayan ng pananampalataya? Basahin ang mga sumusunod na talata:
- Pahayag 21:1-7
- Roma 8:18-25
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Saan nanggaling ang napakaraming tao na nakita ni Jesus?
- Ano ang ginawa ni Jesus nang makita niya ang napakaraming tao?
- Sa Lumang Tipan, mayroon ba kayong natatandaang tao na nagturo mula sa isang bundok?
- Ano ang dahilan at sinabi ni Jesus na mapalad ang mga walang inaasahan kungdi Diyos [lit. dukha sa espiritu]? ang mga nagdadalamhati? ang mga mapagkumbaba? ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran? ang mga mahabagin? ang mga malinis ang puso? ang mga gumagawa ng kapayapaan? ang mga inuusig dahil sa katarungan [pagsunod sa kalooban ng Diyos]?
- Sino ang mga binabanggit ni Jesus na "nilalait at inuusig … nang dahil sa Akin?
- Anong dahilan at ang mga ito’y dapat magsaya at magalak? Ano ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna?
Print This Post
Email This Post
You must log in to post a comment.