Post image for Ang Torah ng Mesiyas I (Mateo 5:17-37)

Ang Torah ng Mesiyas I (Mateo 5:17-37)

by biblista on 2011/02/01

Balangkas ng Mateo 5:17-37

  • Ang Kautusan at ang Pagtalima Rito (17-20)
  • Ang Matapat na Pagtalima sa Kautusan
    • Ang Pagpatay (21-26)
      • Narinig ninyong sinabi (21)
      • Sinasabi ko
        • Ang Galit (22)
        • Pakikipagkasundo (23-26)
    • Ang Pakikiapid (27-32)
      • Narinig ninyong sinabi  (27)
      • Sinasabi ko (28)
        • Pagpigil sa Pita ng Laman (29-30)
      • Narinig ninyong sinabi (31)
      • Sinasabi ko (32)
        • Pakikiapid at Diborsiyo
    • Ang Panunumpa (33-37)
      • Narinig ninyong sinabi (33) 
      • Sinasabi ko (34-37)
        • Oo kung oo, Hindi kong hindi

Ang Teksto

17 "Huwag ninyong akalaing
naparito ako
              upang ipawalang-bisa
                                      ang Kautusan
                                      at ang mga Propeta.
Naparito ako hindi
              upang ipawalang-bisa
                                      ang mga iyon
              kundi upang tuparin.
18 Tandaan ninyo:
maglalaho
              ang langit
              at ang lupa,
ngunit
             ni isang tuldok
             o kudlit man ng Kautusan
                                      ay di mawawalan ng bisa
                                      hangga’t hindi natutupad ang lahat.
19 Kaya’t sinumang magpawalang-bisa
              sa kaliit-liitang bahagi nito,
    at magturo nang gayon
                                     sa mga tao,
ay magiging pinakamababa
                                     sa kaharian ng langit.
Ngunit
          ang sumusunod sa Kautusan
          at nagtuturo sa mga tao
                               na tuparin iyon
ay magiging dakila
                                    sa kaharian ng langit.
20 Sinasabi ko sa inyo,
                   kung ang pagsunod ninyo
                                   sa kalooban ng Diyos
                   ay tulad lamang ng pagsunod
                                   ng mga tagapagturo ng Kautusan
                                   at mga Pariseo,
hinding-hindi kayo makakapasok
                                   sa kaharian ng langit." 21 "Narinig ninyo
                  na iniutos ng Diyos
                               sa inyong mga ninuno,
                     ‘Huwag kang papatay;
                     ang sinumang pumatay
                               ay mananagot sa hukuman.’
22 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo,
ang sinumang napopoot
                      sa kanyang kapatid
                                ay mananagot sa hukuman,
ang humahamak
                      sa kanyang kapatid
                                ay mananagot sa Sanedrin,
at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’
                                ay nanganganib na maparusahan
                                               sa apoy ng impiyerno.
23 Kaya’t kung mag-aalay ka
                       ng handog sa dambana
                                         para sa Diyos 
   at naalala mong
                      may sama ng loob sa iyo
                       ang iyong kapatid,
24 iwan mo muna ang iyong handog
                       sa harap ng dambana 
   at makipagkasundo ka sa kanya.
Pagkatapos,
                  magbalik ka 
                  at maghandog sa Diyos. 25 "Kung may ibig magsakdal sa iyo,
    makipag-ayos ka agad sa kanya
bago makarating sa hukuman ang inyong kaso.
Kung hindi
             ay dadalhin ka niya sa hukom,
             at ibibigay ka nito sa tanod,
             at ikukulong ka naman sa bilangguan.
26 Tandaan mo:
           hindi ka makakalabas doon
           hangga’t hindi mo nababayaran
                        ang kahuli-hulihang piso 
                        na dapat mong bayaran." 27 "Narinig ninyong sinabi,
‘Huwag kang makikiapid.’
28 Ngunit sinasabi ko sa inyo,
                   ang sinumang tumingin
                               sa isang babae
                               nang may mahalay na pagnanasa
                                                  ay nakikiapid na sa babaing iyon
                                                  sa kanyang puso.
29 Kung ang kanang mata mo
                   ay nagiging sanhi
                                ng iyong pagkakasala,
dukitin mo ito at itapon!
Mabuti pang mawalan ka
                     ng isang bahagi ng iyong katawan 
                    kaysa ang buo mong katawan
                                        ang itapon sa impiyerno.
30 Kung ang iyong kanang kamay naman
                  ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala,
putulin mo ito at itapon!
Mabuti pang mawalan ka
                    ng isang bahagi ng iyong katawan
                     kaysa ang buo mong katawan
                                       ang itapon sa impiyerno." 31 "Sinabi rin naman,
‘Kapag pinalayas at hiniwalayan
                 ng isang lalaki ang kanyang asawa,
ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’
32 Ngunit sinasabi ko sa inyo,
                   kapag pinalayas at hiniwalayan
                ng isang lalaki ang kanyang asawa,
                                   maliban kung ito ay nakikiapid,
                itinutulak niya ang kanyang asawa
                                  sa kasalanang pakiki-apid,
              at sinumang makipag-asawa sa babaing pinalayas at hiniwalayan 
                                  ay nagkakasala rin ng pakiki-apid." 33 "Narinig din ninyong iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno,
‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan;
sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’
34 Ngunit sinasabi ko sa inyo,
                 huwag na kayong manunumpa
                 kapag kayo’y nangangako.
Huwag ninyong sasabihing,
                ‘Saksi ko ang langit,’
                            sapagkat ito’y trono ng Diyos;
               35 o kaya’y, ‘Saksi ko ang lupa,’
                           sapagkat ito’y kanyang tuntungan.
Huwag din ninyong sasabihing,
                 ‘Saksi ko ang Jerusalem,’
                           sapagkat ito’y lunsod ng dakilang Hari.
36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo,
                 sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo
                 ay hindi mo kayang paputiin o paitimin.
37 Sabihin mo na lang
                 na ‘Oo’ kung oo
                 at ‘Hindi’ kung hindi,
                                 sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito
                                 ay buhat na sa Masama."

Maiksing Paliwanag

Pagkatapos sabihin ni Jesus na liwanag ng mundo ang mga sumusunod sa kanya, itinuro niya kung paano silang magbibigay ng tanglaw para sa iba. Kahit ang mga Judio ay naniniwalang ang taong matuwid ay tanglaw para sa iba (Awit 112) dahil nga nasasalamin sa kanyang buhay ang liwanag ng Torah, ang mga Kautusan ng Diyos. Para sa mga alagad ni Cristo, ang liwanag na ito ay nagmumula kay Jesus mismo, na nasasalamin sa buhay ng alagad sa pamumuhay nila ayon sa Torah ng Mesiyas, ang Ebanghelyo. Ang mga Kautusan ang ekspresyon ng kagustuhan ng Diyos para sa mga tao. Kung kaya’t ito’y may halaga na hindi lumilipas. Ang pagdating ni Jesus ay hindi nangangahulugang mawawala na ang bisa ang mga Kautusan kungdi ang mga ito’y mabibigyan na ng katuparan. At ito nga ang mangyayari sa kaharian ng langit. Sa Ebanghelyo ni Mateo ang kaharian ng langit, bagaman isang handog mula sa Diyos, ay nag-uumpisa nang magkaroon ng kaganapan sa Iglesya. Sa Iglesya, ang mga Kautusan ay matutupad hindi sa pamamagitan ng legalismo ng mga eskriba at Pariseo, kungdi sa mapagmahal na pagtalima ng mga anak sa kanilang Ama sa langit. At ito nga ang paraan na ituturo ni Jesus.

Sinasabi ko sa inyo,kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit." (t. 20)

Sa mga talatang 21-48 ay mapapansin ang ganitong istruktura ng pananalita: "Narinig ninyong sinabi noon … Ngayon nama’y sinasabi Ko sa inyo." Sa pamamagitan ng ganitong pananalita ay ipinapakilalang magmula ngayo’y ang pag-unawa ni Jesus sa mga Kautusan ang magiging huwaran ng pagtupad sa mga ito. Siya ang Bagong Moyses na magtuturo ng Daan ng Katarungan, katarungang mas mataas ang antas kesa sa itinuturo ng mga eskriba at mga Pariseo. Ang ganitong pagpapakilala kay Jesus bilang Bagong Moyses ay bibigyan ng pagpapatibay sa Bundok ng Pag-aanyo kung saan ang Tinig na nagsalita noong binyagan si Jesus ay maririnig muli na nagsasabing: "Ito ang aking pinakamamahal na Anak na aking kinaluluguran. Pakinggan ninyo siya. " (Mt. 17:5) Sa loob ng mga talatang nabanggit (tt. 21-48) ang mga kautusan tungkol sa sumusunod ang paksa:

  • Tungkol sa pagpatay (21-26)
  • Tungkol sa pakikiapid (27-30)
  • Tungkol sa diborsiyo (31-32)
  • Tungkol sa panunumpa (33-37)
  • Tungkol sa paghihiganti (38-42)
  • Tungkol sa pag-ibig sa kapwa (43-48)

Pansinin na sa mga talatang ito, hindi lamang sinasabi ni Jesus kung paanong nalalabag ang Kautusan; sinasabi rin niya kung paanong ito’y tutuparin. Kaya nga’t ang kautusan tungkol sa pagpatay ay nalalabag sa poot pa lamang na hinahayaang mabigyan ng ekspresyon sa harapang pang-iinsulto. At ang tamang pagtupad sa kautusang ito ay ang pakikipagkasundo. Sa katotohana’y binibigyan pa ng mas mataas na kahalagahan ang pakikipagkasundo keysa paghahandog ng alay sa dambana. Ganuon din sa pakikiapid. Sa pagtinging may halong pagnanasa pa lamang ay nakikiapid na. Kaya nga’t upang matupad ang kautusang ito, ang mga pitang naguudyok sa kasalanan ay dapat nang pigilin — "dukitin" at "putulin", ika nga ni Jesus — upang maligtas sa kapahamakan. Sa loob ng konteksto ng paksa tungkol sa pakikiapid ay ang turo sa diborsiyo. Noong kapanahunan ni Jesus ang lalaki lamang ang maaaring makipag-diborsiyo at maaari niya itong gawin sa kahit anong dahilan. Para kay Jesus,ang pakikipag-dirborsiyo ay nag-uudyok din sa pagkakasala ng pakikiapid, at ang pag-aasawa ng isang diborsiyada ay pakikiapid din1. Sa panunumpa naman, sinasabi ni Jesus na mas tamang hindi na gumamit ng mga ekspresyon tulad ng "saksi ko ang langit" o "saksi ko ang lupa" upang mabigyan ng garantiya ang katotohanan ng sinasabi. Ang sitwasyong binibigyan ng pansin dito ay iyong pang-araw-araw na panunumpa na katulad ng Tagalog na "peks man, hope to die", etc. Ang panunumpang ganito ay hindi na dapat ginagawa, bagkus ang personal na integridad na dapat ng isang tao ang mismong magbigay ng garantiya sa kanyang mga salita.

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Dumating ba si Jesus upang ipawalang-bisa ang mga Kautusan?
  2. Lilipas ba ang mga Kautusan?
  3. Ano ang itatawag sa mga kasapi ng Kaharian ng Langit na magtuturong napawalang-bisa na ang mga Kautusan?
  4. Ano naman ang itatawag sa mga kasapi ng Kaharian ng Langit na magtuturong dapat tuparin ang mga Kautusan?
  5. Sa pagtupad ng mga Kautusan, dapat bang mapatulad tayo sa mga eskriba at Pariseo?
  6. Paano ayon kay Jesus nalalabag ang batas tungkol sa pagpatay?
  7. Ano ang dapat gawin sa mga sitwasyon ng pagkakagalit o sama ng loob upang tuparin ang batas?
  8. Paano ayon kay Jesus nalalabag ang batas tungkol sa pakikiapid?
  9. Ano ang dapat gawin upang pigilin ang masasamang pita?
  10. Ano ang kaugnayan ng pakikipag-diborsiyo sa pakikiapid?
  11. Mabuti ba sa mata ni Jesus ang makipag-asawa sa isang taong nadiborsiyo?
  12. Ang pagsumpa ba na binabanggit dito ay iyong pagsumpa sa hukuman?
  13. Ano ang garantiyang ibibigay ng isang Kristiyano tungkol sa katotohanan ng kanyang sinasabi?

Print This Post Print This Post  Email This Post Email This Post

  1. "…liban sa kaso ng porneia…". Sa ating mga pagsasalin, kadalasang inililiwat ang salitang "porneia" sa "pakikiapid" bagaman hindi ito ang katumbas ng salitang Griyego. []

Previous post:

Next post: