Balangkas ng Mateo 5:38-48
- Ang Batas ng Paghihiganti
- Narinig ninyong sinabi…
- Sinasabi ko sa inyo
- Sampal sa mukha
- Isinakdal para sa damit
- Pagpapasan para sa manlulupig
- Sa mga umuutang
- Ang Pag-ibig sa Kapwa
- Narinig ninyong sinabi
- Sinasabi ko sa inyo…
- Mahalin ang kaaway
- Maging tulad ng inyong Ama sa langit
Ang Teksto
‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’
39 Ngunit sinasabi ko sa inyo,
huwag ninyong paghihigantihan
ang masamang tao.
Kung sinampal ka sa kanang pisngi,
iharap mo rin sa kanya ang kaliwa.
40 Kung isakdal ka ninuman
upang makuha ang iyong damit,
ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong damit na pangbalabal.
41 Kung pilitin ka ng manlulupig
na pasanin ang kanyang dala ng isang milya,
pasanin mo iyon ng dalawang milya.
42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo
at huwag mong tanggihan
ang nanghihiram sa iyo."
43 "Narinig ninyong sinabi,
‘Ibigin mo ang iyong kapwa
at kamuhian mo ang iyong kaaway.’
44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko,
ibigin ninyo ang inyong mga kaaway
at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo,
45 upang kayo’y maging tunay na mga anak
ng inyong Ama na nasa langit.
Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti
gayon din sa masasama,
at nagpapaulan siya sa mga matuwid
at sa mga di-matuwid.
46 "Kung ang mga nagmamahal sa inyo
ang siya lamang ninyong mamahalin,
anong gantimpala ang inyong maaasahan?
Hindi ba’t ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis?
47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo
ang inyong binabati,
ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba?
Hindi ba’t ginagawa rin iyan ng mga Hentil?
48 Kaya maging ganap kayo,
gaya ng inyong Ama na nasa langit."
Maiksing Paliwanag
Sa Mateo 5:38-48 ay ipinagpapatuloy ang mga turo ni Jesus tungkol sa pagtalima ng isang anak. Nabasa na natin ang tungkol sa mga kautusan para sa pagpatay, pakiki-apid at panunumpa. Ngayon nama’y tungkol sa batas ng paghihiganti at kautusan tungkol sa pag-ibig ang ating paksa.
Batas ng Paghihiganti
Ang batas sa paghihiganti ay sinadya para ang parusa sa isang sala ay maging angkop para dito at hindi sumobra. Sa isang kultura na kung saan ang paghihiganti ay bahagi ng buhay, kinakailangang kahit ito ay mailagay sa ilalim ng isang makatarungang pamamaraan. Kung ating papansinin ang mga talata 38-42, mapapansing nais ng Panginoong Jesus na anuman ang pagmamalabis ng iba, ito’y dapat gantihan ng kabutihang-loob.
Ang sampal sa kanang pisngi ay sampla na mula sa kaliwang kamay. Ito’y hindi lang masakit kung hindi insulto rin dahil ang kaliwang kamay ay ginagamit sa kubeta — sa paghuhugas pagkatapos dumumi. Ang balabal na sinasabi ni Jesus na ibigay na lamang kapag ang isa’y isinakdal para sa kanyang damit, ay yaong all-purpose jacket ng isang Judio. Ito’y ginagamit sa biyahe, kapag umuulan at kung matutulog sa tabing-daan. Sa bahay, ito rin ay ginagamit na kumot sa pagtulog. Ang mga "manlulupig" na tinatawag sa salin ng Tagalog Popular Version, ay ang sundalong Romano na may karapatang mag-utos sa mga nasasakupan na dalhin ang kanyang bagahe. Sa sitwasyong ganito, sinasabi ni Jesus na kung ang isang alagad ay pagsasabihang magbuhat ng pasanin sa isang milya, ito’y kanilang gagawin sa dalawang milya.
Mapapansin ang kabutihang-loob na hinihingi ni Jesus sa mga pagkakataong ganito. Hindi lamang "passive resistance" ang kanyang itinuturo kungdi "aktibong pagpapakita ng kabutihang-loob". Ganito rin ang kanyang sinasabi sa mga pagkakataong may mga nanghihiram, umuutang o humihingi.
Ang Pag-ibig Sa Kapwa
Ang pag-ibig sa kapwa ay itinuturo sa aklat ng Levitico na kung saan ang paksa ay ang pananatiling banal. Diyos lamang ang banal, nguni’t ang sinumang pinapapasok niya sa Kanyang Buhay ay nagiging banal na rin. Gayon nga ang nangyari sa mga Israelita noong sila’y nakipagtipan sa Diyos sa Bundok ng Sinai. Kung paanong banal ang Diyos, ganuon din sa kanilang pamumuhay ay dapat maging banal ang mga Israelita.
Bahagi ng buhay ng kabanalan ng mga Israelita ay ang pag-ibig sa kapwa.
13 "Huwag ninyong dadayain o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapabukas ang pagpapasweldo sa inyong mga manggagawa. 14 Huwag ninyong mumurahin ang mga bingi at lalagyan ng katitisuran ang daraanan ng mga bulag. Matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.
15 "Huwag kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o kaya’y katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran. 16 Huwag kayong magkakalat ng anumang nakakasira ng puri ng inyong kapwa, ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya. Ako si Yahweh.
17 "Huwag kayong magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. 18 Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh.
Dito ang "kapwa" ay ang kapwa-Israelita. Ang hind Israelita — maliban na lamang kung ito’y namumuhay din sa piling ng mga Israelita (tulad ni Ruth, isang Moabita na naging bahagi ng pamilya ni Noemi) — ay itinuturing na isang kaaway. Kung tutuusin ganito ang pagtingin ng lahat ng tao doon sa mga hindi nila ka-tribo o kalahi. Ang estranghero ay pinagsususpetsahan sapagka’t maaari siyang espiya para sa isang lipi o tribo na nais manakop. Noong kapanahunan ni Jesus, ang mga Romano at kanilang mga kawal ang mga manlulupig, "kaaway" ang tingin sa kanila ng mga Judio. Sa panahon ng mga apostol at ng Iglesya ng unang siglo, ang mga umuusig sa kanila ang siyang dapat ituring na kaaway nguni’t ito’y hindi nila ginawa dahila nga sa turo ng Panginoon.
Mahalin ang inyong mga kaaway
Ipanalangin ang mga umuusig sa inyo.
Ang motibo para dito ay ang kabutihan ng Diyos: inaalagaan niya ang buhay ng lahat, mahal man Siya o hindi. Hindi ba’t kahit ang mga makasalanan ay patuloy na tumatanggap ng kanyang mga benepisyo? Ang mga "anak" ay sinasabi nating "nagmana" sa kanilang magulang dahil sa pagkakatulad ng kanilang anyo o ng pag-uugali. Sinasabi ni Jesus na kung ang lahat — pati na ang kaaway — ay kanilang iniibig, ang kanyang mga alagad ay kikilaning mga anak nga ng Diyos dahil sa kanilang pag-uugali. Sa mga pagpapalang binigkas ni Jesus sa umpisa ng Sermon sa Bundok, sinabi niyang ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan ay tatanghaling mga anak ng Diyos. Hindi ba’t ang pag-ibig sa lahat at ang kabutihang-loob na hinihingi ni Jesus ang paraan para sa ikalalalaganap ng kapayapaan?
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
1. Sa paghihiganti ba, pinag-iisipan pa kung ang igaganti ay tamang-tama lamang sa sama ng loob na tinanggap?
2. Ang kautusan bang "mata sa mata, ngipin sa ngipin" ay makatarungan?
3. Ayon kay Jesus, ano ang gagawin kung sasampalin ka sa kanang pisngi?
4. Ayon kay Jesus, ano ang gagawin kung isasakdal ka para makuha ang iyong damit?
5. Ayon kay Jesus, ano ang gagawin kung utusan ka ng isang manlulupig na pasanin ang kanyang dala ng isang milya?
6. Ayon kay Jesus, dapat mo bang tanggihan ang sinumang uutang sa iyo?
7. Ano ang tawag mo sa nang-aapi’t umaalimura sa iyo? Kaibigan ba?
8. Ano ayon kay Jesus ang dapat gawin sa isang kaaway?
9. Ano ang dapat gawin — ayon kay Jesus — sa mga umuusig sa iyo?
10. Ang Diyos Ama, inaalagaan ba niya ang mga umiibig sa kanya? Inaalagaan ba niya ang mga hindi naniniwala sa kanya?
11. Sa ating pag-ibig sa kaaway, tumutulad ba tayo sa Diyos?
12. Ayon kay Jesus, paano nagiging "ganap" tulad ng Diyos?
Print This Post
Email This Post
You must log in to post a comment.