Balangkas ng Mateo 7:21-27
- Ang mga makakapasok sa kaharian ng langit (21-23)
- Mga matalino at hangal
- Ang gumagawa ng mga aral ni Jesus (24-25)
- Ang mga hindi gumagawa ng mga aral ni Jesus (26-27)
Ang Teksto
21 "Hindi lahat
ng tumatawag sa akin,
‘Panginoon, Panginoon,’
ay papasok sa kaharian ng langit,
kundi
ang mga tao lamang
na sumusunod
sa kalooban ng aking Ama
na nasa langit.
22 Sa Araw ng Paghuhukom
marami ang magsasabi sa akin,
‘Panginoon,
hindi po ba kami
ay nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos,
nagpalayas ng mga demonyo
at gumawa ng mga himala sa iyong pangalan?’
23 Ngunit sasabihin ko sa kanila,
‘Hindi ko kayo nakikilala.
Lumayo kayo sa akin,
kayong mga gumagawa ng kasamaan.’"24 "Kaya’t
ang bawat nakikinig
at nagsasagawa ng mga salita kong ito
ay maitutulad sa isang taong matalino
na nagtayo ng kanyang bahay
na ang pundasyon ay bato.
25 Umulan nang malakas,
bumaha,
at binayo ng malakas na hangin
ang bahay na iyon,
ngunit hindi nagiba
sapagkat nakatayo iyon sa bato.
26 Ang bawat nakikinig ng aking salita
ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito
ay maitutulad naman sa isang taong hangal
na nagtayo ng kanyang bahay
sa may buhanginan.
27 Umulan nang malakas,
bumaha
at binayo ng malakas na hangin ang bahay.
Ito ay bumagsak
at lubusang nawasak."
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Lahat ba ay makapapasok sa kaharian ng langit?
- Sino ang makakapasok sa kaharian ng langit?
- Ano ang Araw ng Paghuhukom? Kailan ito mangyayari?
- Agad-agad bang tatanggapin ba ng Panginoon ang mga nanilbihan para sa kaharian ng langit?
- Kung nagpahayag man ang isang tao ng mensahe ng Panginoon at nagpalayas ng demonyo sa Kanyang ngalan, at hindi naman ginawa ang kalooban ng Diyos, kikilalanin ba siya ng Panginoon? Ano ang itatawag sa kanya?
- Tama ba ang magtayo ng bahay sa buhanginan?
- Tatagal ba ang bahay na nakatayo sa buhanginan?
- Tama ba ang magtayo ng bahay sa bato?
- Ayon sa Panginoon, sino ang katulad ng taong nakikinig at gumagawa ng kanyang mga turo?
Maiksing Paliwanag
Sa pagtatapos ng Sermon sa Bundok, nag-iwan ang Panginoon ng mga babala sa madlang nakikinig sa kanya. Hindi lahat ng mga tatawag sa kanya ay makakapasok sa kaharian ng langit. Hindi lahat ng mga nanilbihan para sa pagpapalawak ng kaharian ng Diyos ay kikilalanin niya. Ang mga taong nakikinig at gumagawa sa kanyang mga salita ang mga kilalanin niya at papasukin sa kaharian ng langit.
Sa umpisa pa lamang ay sinasabi na ng Panginoon na silang mga sumusunod ng kalooban ng Ama sa langit lamang ang makakapasok sa kaharian ng langit (t. 21). Ang Sermon sa Bundok, ang saligang batas ng kaharian ng langit ang nagpapahayag ng kalooban ng Ama ayon sa pag-unawa ni Jesus, ang Bagong Moyses. At ang pag-unawang ito ang siyang magiging batayan ng pagsasagawa ng kalooban ng Ama. Kahit nga yaong mga taong nag-aakala na tama na ang paninilbihan sa ngalan ng Panginoon ay mabibigo, dahil nga kailangang isinasakatuparan nila ang kalooban ng Ama sa langit upang sila’y kilalanin ni Jesus (tt. 22-23).
Kaya nga kailangang maging matalino sa pamumuhay Kristiyano. Hindi lamang sa pakikinig ng salita ni Jesus kungdi pati na rin ang pagsasagawa ng mga ito malalaman ang mga “matatalino.” Sila’y inihahalintulad ni Jesus sa isang taong nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyon ng bato. Kahit na dumating ang mga bagyo at baha ng Araw ng Paghuhukom, ito’y hindi matitinag. Ang mga hangal ay iyong mga makikinig lamang ang salita ni Jesus nguni’t hindi naman ito tutuparin. Sila’y inihahalintulad sa isang taong nagtayo ng bahay sa buhanginan. Pagdating ng ulan, bagyo at baha, ito’y lubusang mawawasak.
Print This Post
Email This Post
You must log in to post a comment.