Balangkas ng Juan 6:51-58
- Pagpapahayag: Ako ang tinapay na bumababa mula sa langit (51)
- Reaksyon ng mga Judio (52)
- Tugon ni Jesus
- Hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan kung hindi kakain ng laman at iinom ng dugo ng Anak ng Tao (53-54)
- Silang kumakain ng laman at umiinom ng dugo ng Anak ng Tao ay nanahan sa kanya at sila’y pinagtatahanan din ng Anak (55-56)
- Ang tinapay na bumababa mula sa langit ang nagbibigay ng buhay na hindi maibigay ng Mannah na tinanggap ng mga ninuno (57-58)
Ang Teksto
51 Ako nga ang tinapay
na nagbibigay-buhay
na bumaba mula sa langit.
Mabubuhay magpakailanman
ang sinumang kumain
ng tinapay na ito.
At ang tinapay
ay ang aking katawan
na ibibigay ko
upang mabuhay
ang sangkatauhan.52 Dahil dito’y nagkaroon ng mainitang pagtatalu-talo ang mga Judio,
Paanong maibibigay sa atin
ng taong ito
ang kanyang laman
upang makain natin?53 Sinabi ni Jesus,
Pakatandaan ninyo:
malibang kainin ninyo
ang laman
ng Anak ng Tao
at inumin
ang kanyang dugo,
hindi kayo magkakaroon ng buhay.
54 Ang kumakain ng aking laman
at umiinom ng aking dugo
ay may buhay na walang hanggan
at muli ko siyang bubuhayin
sa huling araw.
55 Sapagkat
ang aking laman
ay tunay na pagkain,
at ang aking dugo
ay tunay na inumin.
56 Ang kumakain ng aking laman
at umiinom ng aking dugo
ay nananatili sa akin,
at ako naman sa kanya.
57 Buhay ang Ama
na nagsugo sa akin
at ako’y nabubuhay
dahil sa kanya.
Gayundin naman,
ang sinumang kumain sa akin
ay mabubuhay dahil sa akin.
58 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit.
Hindi ito katulad
ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang;
namatay sila kahit na kumain niyon.
Ang kumakain
ng tinapay na ito
ay mabubuhay magpakailanman.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Sino ang nagsasalita sa unang talata ng pagbasa? Ano ang sinasabi niya tungkol sa sarili? Sinasabi ba niyang siya’y “parang” o “tulad” ng Tinapay na Nagbibigay-Buhay?
- Sino ang mga kausap dito? Ano ang kanilang reaksyon sa mga sinabi ni Jesus? Ang pagtatalo ba ay tanda ng pagkakaisa? Mayroon ka bang naaalalang sinabi ni Jesus na siya’y magdudulot ng hidwaan? Ano ang (mga) talatang ito? Mayroon bang propeta na nagsabing si Jesus ay magdudulot ng hidwaan? Sino?
- Ano ang tanong ng mga Hudyo? Ito ba ay sinagot ni Jesus? Binawi ba ni Jesus ang una niyang sinabi?
- Paano magkakaroon ng buhay?
- Ano ang ibig sabihin ng “mabuhay sa huling araw”? Ang pagkabuhay sa huling araw ba ayon kay Juan ay hihintayin pa?1
- Ang binabanggit ni Jesus na “laman” at “dugo” ba ay may pakahulugang simboliko?
- Paano mananahan ang mga alagad kay Jesus? May naaalala ka bang talata mula kay Juan kung saan sinabi ni Jesus na kailangang manahan kay Jesus?2
- Saan nagmumula ang buhay na bigay ni Jesus?
- Paano masasabing si Jesus ay nabubuhay mula sa Ama?
- Kung ang mga mananampalataya ay nabubuhay mula sa Ama sa pamamagitan ni Jesus, ano ang ibig sabihin nito?
- Saang talata sa mga Kasulatan makikitang namatay ang mga kumain ng manna sa disyerto?
- May katulad ba ang tinapay na binabanggit ni Jesus sa tubig na tema ng Juan 4?
Maiksing Paliwanag
Ang Juan 6 ay kilala dahil sa Diskurso tungkol sa Tinapay na Bumababa mula sa langit. Ang buong kabanata ay nahahati sa tatlong bahagi: (a) ang pagpapakain ng limang-libo (1-14), (b) ang paglalakad ni Jesus sa ibabaw ng dagat (16-21), at (c) ang diskurso tungkol sa tinapay na nagbibigay-buhay(22-59). Itong huli man ay may tatlong bahagi:
- ang paghahanap ng mga tao kay Jesus (22-27)
- ang tinapay na nagbibigay buhay (28-58)
- pagtatapos (59)
Pansinin na ang mga talatang pinagtutuunan nating pansin ay matatagpuan pagkatapos ng ikalawang reaksyon ng mga Judio (41) na may kasamang bulung-bulungan. Ang “bulung-bulungang” ito ay katulad ng bulung-bulungan ng mga Israelita sa disyerto laban kay Moyses. Dalawang beses babanggitin ang kaganapan sa ilang (48.58) kung saan kumain ng “manna” ang mga Israelita. Alam natin na ang mga Israelitang tumakas sa Ehipto, naglakbay ng apatnapung taon sa disyerto at tumikim ng manna ay nangamatay lahat at hindi nakapasok sa lupang ipinangako (Deut. 1:35; Sal. 95:10-11). Kung kaya’t ipinapahayag ni Jesus na hindi ang manna na ibinigay sa mga Israelita sa disyerto ang nagbibigay ng buhay kungdi ang “tinapay na bumababa mula sa langit.”
Pagkatapos sabihin ni Jesus na ang Ama ang nagbigay ng tinapay na nagbibigay-buhay (32-33), sinabi niyang siya mismo ang tinapay na ito (48.51)kung kaya naman kahit ang mga Judio ay nagkaroon ngpagtatalo (52). Mula sa talata 53 hanggang 58, ang mga pahayag ni Jesus ay mapapa-tungkol sa pagkain ng kanyang laman at pag-inom ng kanyang dugo (53-55). Ang pagkain ng kanyang laman at pag-inom ng kanyang dugo ay nagbibigay ng buhay. At ang buhay na ito ay ang buhay mismo ng Anak na nagmula naman sa Ama (57). Kung paanong nabubuhay ang Anak sa Ama, gayundi’y mabubuhay ang sinumang kumakain ng kanyang laman at umiinom ng kanyang dugo. Bukod dito, ang sinumang kumakain ng laman at umiinom ng dugo ng Anak ay mananahan sa Kanya. Itong huli ay bibigyan ng paliwanag sa Juan 15 kung saan sasabihin ni Jesus na ang kanyang mga alagad ay mananahan sa Kanya at Siya rin sa kanila (Juan 15:4).
Ang mga salitang ito ni Jesus ay tumutukoy sa kanyang gagawin sa Huling Hapunan kung saan sa tinapay at alak na pagsasaluhan ng mga alagad ay ibibigay niya ang kanyang katawan at dugo para sa ikaliligtas ng lahat (tingnan Mat. 26:26-29; Mar. 14:22-25;Luk. 22:14-20;1 Kor. 11:23-26)
Mas madadalian ka sa pag-unawa ng podcast na ito kung bubuksan mo rin ang iyong Bibliya sa Juan 6:51-58 habang ikaw ay nakikinig.
Print This Post
Email This Post
You must log in to post a comment.