Balangkas ng Juan 1:1-28
- Ang Salita sa Pasimula
- Salitang Sumasa-Diyos (1-2)
- Salitang Sanhi ng Pag-iral (3)
- Buhay at Liwanag (4)
- Ang Liwanag na hindi magapi ng karimlan (5)
- Si Juan Bautista, ang Liwanag at ang Salita
- Si Juan ang saksi ng Liwanag (6-13)
- Si Juan ang saksi ng Salitang nagkatawang-tao at nanahan sa ating piling (14)
- Ang sinabi ni Juan Bautista (15)
- Ang komentaryo ng ebanghelista (16-18)
- Ang pahayag ng Bautista sa harapan ng mga Judio
- Hindi siya ang Kristo (19-20)
- Siya ang Tinig sa Disyerto (21-23)
- Hindi siya ang Kristo (19-20)
- Ang pahayag ni Juan sa mga Pariseo (24-28)
Ang Teksto Liturhiko
[...]
19 Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. 20 Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, Hindi ako ang Cristo.
21 Sino ka kung gayon? tanong nila. Ikaw ba si Elias?
Hindi ako si Elias, tugon niya.
Ikaw ba ang Propeta?
Sumagot siya, Hindi rin.
22 Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili? tanong nilang muli.
23 Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias,
“Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang,
Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.”
24 Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. 25 Muli nilang tinanong si Juan, Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?
26 Sumagot si Juan, Ako’y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. 27 Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.
28 Ang mga ito’y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Sino ang isinugo na magpatotoo tungkol sa liwanag?
- Sino ang nagsugo sa kanya?
- Anong liwanag ito — ito ba’y liwanag ng araw o ng buwan? 1
- Ano ang dahilan ng patotoo ni Juan?2
- Si Juan Bautista ba ay maituturing na liwanag? 3
- Ang mga Judio ay nagsugo ng mga tao upang magtanong kay Juan. Anong mga grupo ito?
- Sinabi ba ni Juan Bautista na siya ang Cristo? Ano ang kanyang sinabi at kanino?
- Anong aklat ni propeta Isaias ang ginamit ni Juan sa kanyang sagot sa mga pari? 4
- Sino ang “Propeta” na tinutukoy ng mga nagtanong kay Juan5?
- Paanong isinalarawan ni Juan ang darating na suot ang mga sandalyas na hindi niya maaaring kalagin? 6
- Ano ang dahilan at napagkamalan si Juan na si Elias? Meron ka bang naaalalang talata kung saan si Jesus mismo ang nagsabing si Juan Bautista ang Elias na darating?
- Ano ang ibig sabihin ng sandalyas na hindi maaaring tanggalin ni Juan? 7
- Saang lugar nangyari ang pagpapatotoo ni Juan?
Maiksing Paliwanag
Sa Juan 1:1-18 ay mababasa ang pahayag ng Ebanghelistang Juan tungkol sa Salita ng Diyos na nagkatawang-tao’t nanahan sa ating piling (14) na siya ring nagpakilala sa Diyos (18). Nguni’t mababasa rin sa mga talatang ito ang propetang nagpatotoo sa Salita, si Juan Bautista (6-15). Salita ng Diyos at Propeta — hindi ba’t ito ay mga salitang magkapares sa Lumang Tipan?
Mapapansin ang pagtanggi ni Juan Bautista — at ito’y idinidiin ng Ebanghelista — na siya ang Propeta o si Elias. Nguni’t alam natin, sa mga salita rin ni Jesus (ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao), na siya nga si Elias (tingnan ang mga talata ng Mateo 11:14). Kahit dito’y mapapansing si Jesus ang nagpapakilala ng lahat tungkol sa bawa’t tao (tingnan, Juan 4, 39). Mauunawaan ang pagtanggi ni Juan kung ating tatandaan na kahit ang mga propeta ay hindi nila alam na sila’y propeta noong mga panahong sila’y naninilbihan pa. Tingnan na lamang ang kaso ni Amos, na itinanggi rin na siya’y isang propeta.
Mapapansin na sa umpisa pa lamang ng kanyang ebanghelyo ay ipinagdidiinan na ng ebanghelistang Juan na ang Bautista ay isang mahalagang saksi ni Cristo, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Marahil ito ay para sa kapakanan ng mga dating tagasunod ng Bautista na naging kasapi na ng grupo ni Jesus. Para sa liturhiya ng ikatlong Linggo ng Adbiyento (taon B), ang mga talatang pinili para sa pagbasa ng ebanghelyo ay ito ang mensahe: kinilala ni Juan Bautista ang sarili na isang taong walang ibang raison d’etre (dahilan ng pag-iral) kungdi ang magpatotoo kay Cristo. At ito rin ang tungkulin na dapat akuin ng bawa’t binyagang Kristiyano.
- Hindi, ito ang Salita ng Diyos na tinatawag na “liwanag” at “buhay”, tingnan Juan 1:1-3 [↩]
- Upang ang lahat ay manampalataya sa Liwanag. [↩]
- Oo. Tingnan ang Juan 5:33-35. Si Juan Bautista ay parang isang ilawan. [↩]
- Mga salita mula sa Aklat ng Kaaliwan ni Propeta Isaias [Is. 40-55] [↩]
- Ang Propeta — si Moyses o si Jeremias kaya — na pinaniniwalaang darating muli upang ipahayag ang Araw ng Panginoon. [↩]
- Siya ang “nasa inyong piling na hindi ninyo nakikilala; darating siyang kasunod ko”. Ang tinutukoy ni Juan ay siya na tatawagin niyang “Kordero ng Diyos” [tingnan, Juan 1:36]. [↩]
- Sa Ruth 4:7-9 ang pagbibigay ng sandalyas ay simbolo ng paglilipat ng karapatan ng isang Manunubos. [↩]
You must log in to post a comment.
{ 1 trackback }