Ang Balangkas ng Lukas 1:26-38
- Pambungad na Salaysay (26-27)
- Ang Pag-uusap ng Anghel at ni Maria
- Ang Pagbati ng Anghel at Reaksyon ni Maria (28-29)
- Ang Pahayag ng Anghel (30-33)
- Ang Reaksyon ni Maria (34)
- Ang Sagot ng Anghel (35-37)
- Ang Sagot ni Maria (38a)
- Pagtatapos (38b)
Ang Teksto ng Lukas 1:26-38
29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya’y papangalanan mong Jesus. 32 Siya’y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan.”
34 “Paano pong mangyayari ito gayong ako’y isang birhen?” tanong ni Maria.
35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo’y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba’t alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma’y naglihi siya at ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya’y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”
38 Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Ito ba ang unang pakikipag-usap ni anghel Gabriel sa isang tao? Sino ang kanyang unang kinausap ayon kay Lukas? Ano ang kanyang balita sa taong ito? Siya ba ay pinaniwalaan nito? Nagkatotoo ba ang sinabi ng anghel kay Zacarias?
- Kailan pumunta ang anghel kay Maria? Saan naganap ang pagtatagpo na ito?
- Paano isinalarawan ni Lukas si Maria nang dumating ang anghel?
- Paano binati ng anghel si Maria? May katulad ba ang pagbating ito sa Lumang Tipan?1
- Batay sa pagbati ng anghel, paano ipinapaalam ni Lukas sa kanyang mga mambabasa ang magiging tungkulin ni Maria? 2
- Ano ang mangyayari kay Maria, ayon sa anghel? Ano ang itatawag sa sanggol na isisilang? Ano ang magiging pagkilala ng mga tao sa ipapanganak ni Maria? Ano ang magiging kaugnayan ng sanggol kay Haring David? Ang sanggol ba ay tatanghaling Mesiyas?
- Ang pagiging ina ba ay isang mabuting balita para sa isang dalaga? 3
- Sa isip ni Maria, may problema bang mangyari ang sinasabi ng anghel? 4
- Paano ipinaliwanag ng anghel ang kanyang balita kay Maria?
- Ano ang pruwebang ibinigay ng anghel kay Maria na mangyayari nga ang kanyang salita sa kanya?
- Pumayag ba si Maria sa saloobin ng Diyos sa kanya? Ano ang kanyang sinabi?
- Nang sinabi ba ni Maria na “Mangyari nawa sa akin” siya ay natutuwa? 5
Maiksing Paliwanag
Sa panulat ni Lukas, ang pagiging ganap ng propesiya ni Isaias tungkol sa birheng magsisilang ng sanggol (Is. 7:14) ay isinalaysay. Matatandaan na sa ebanghelyo ni Mateo, ang kaganapan ng propesiya sa parte ng ama — si Jose — ang binigyan ng diin. Dito, ang magiging tungkulin ni Maria na siyang magsisilang ang binibigyan ng halaga.
Sa Isaias 7:14, ang sanggol na isisilang ay tatawaging “Immanu-El” — ang Diyos sa ating piling. Ayon kay Juan, ang Salita ng Diyos, na Diyos, ay nagkatawang-tao at nanahan sa ating piling (Juan 1:14) at dahil sa pananahan Niya sa ating piling, ang Diyos na hindi pa nakikita ninuman ay naipakilala ng lubusan sa pamamagitan ng Kanyang Anak (Juan 1:18).
Sa salaysay ni Lukas, ang sanggol na isisilang ni Maria ay kikilalaning “Anak ng Kataas-taasan”, at siya ring tatanggap ng paghahari ni David. Sa sanggol na ito, ang pakikipagtipan ng Diyos sa sambahayan ni David ay magkakaroon ng katuparan (1 Chron. 17:10b-14; 2 Sam 7:11b-16). Kung matatandaan, sinabi ni Yahweh kay David sa pamamagitan ng propetang Natan, “Ang iyong Kaharian at ang iyong Kapangyarihan ay mananatiling matibay sa aking harapan; at ang iyong pagka-hari ay itataguyod magpakailanman (2 Sam. 7:16).” At ang sanggol nga ni Maria ang magmamana sa trono ni David bilang Mesiyas.
Sa mga salita rin ng anghel ay mahihinuha kung paanong ang isang birhen, parthenos, isang babaeng konsagrado ang pagka-dalaga, ay magsisilang ng anak. Sa literal na pagkakasalin, sabi ng anghel
“Sasaiyo ang Espiritu Santo
at lulukuban ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos.
Dahil dito, ang isisilang mo’ybanal
at tatawaging Anak ng Diyos.
Samakatuwid,ang isisilang ni Maria ay hindi magmumula sa isang lalaki kungdi sa kapangyarihan ng Diyos. Si Maria, tulad ng Tolda ng Pakikipagtipan sa disyerto, ay lulukuban ng kapangyarihang ng Kataas-taasan, at dahil dito’y isisilang niya ang Anak ng Diyos.
Ang pahayag ng anghel ay alok ng Diyos kay Maria na makibahagi sa kanyang proyekto ng kaligtasan. At ito nama’y tinanggap ni Maria. “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi”, sabi ni Maria. Ito ang kanyang “fiat”, ang kanyang “Oo” sa panukala ng Diyos para sa kanyang buhay. At ang “Oo” na ito ang patutunayan ni Maria sa kanyang buhay, mula sa kanyang pagdalaw kay Isabel, sa kanyang pagsilang kay Jesus, hanggang sa ilalim ng Krus, at sa pagbaba ng Banal na Espiritu sa gitna ng mga alagad kasama siya bilang Ina ng Iglesya.
- Oo. Ang pagbati kay Gideon, isa sa mga Hukom [↩]
- Na katulad ni Gideon ay may tungkulin ng tagapagligtas si Maria. [↩]
- Sa mga babaeng Judeo ng unang siglo, ang pagkababae ay nagiging ganap sa pagiging ina. [↩]
- Meron. Hindi pa siya “nakaranas” ng lalaki. Ang problema ay may kaugnayan sa biyolohiya. [↩]
- Oo. Sapagka’t siya ay magiging ina; at ang kanyang pagiging ina ay ayon sa saloobin ng Diyos. [↩]
You must log in to post a comment.
{ 1 trackback }