Balangkas ng Lukas 2:1-21
- Ang Pagsilang ng Sanggol (1-7)
- Ang Pahayag ng mga Anghel sa mga Pastol
- Ang Pahayag ng mga Anghel (8-14)
- Reaksyon ng mga Pastol (15-20)
- Ang Pagdalaw ng mga Pastol
- Reaksyon ni Maria
- Pagtatapos ng Dalaw
- Ang Pangalan ng Sanggol (21)
Ang Talata ng Lukas 2:1-21
Dahil sa haba ng Lukas 2:1-21, ipinasiyang hindi na lamang ilalagay dito ang kopya ng mga talata. Bagkus inaanyayahan ang mambasa na buklatin na lamang ang kanyang kopya ng ebanghelyo ni Lukas sa mga talatang nabanggit at sundan ang gabay na matatagpuan sa “Mag-aral Tayo” tungkol sa mga talatang ito.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
Ang Lukas 1:1-21 ay hinati sa dalawang bahagi upang mabasa sa dalawang Misa sa Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang. Ang Lukas 2:1-14 ay ipinababasa sa Midnight Mass, samantalang ang Lukas 2:15-21 ay ipinababasa sa Dawn Mass sa mga pook at bansa na maaaring ipagdiwang ang mga misang ito. Upang mapakinabangan ng mas mabuti ang bahaging ito ng ating pahina, ang mga katanungan tungkol sa teksto ay isaayos ayon sa paghahating ito.
Ang Pagsilang ng Sanggol ni Maria (2:1-14)
- Taga-saan si Maria? Sino ang nagdala sa kanya sa Betlehem? Nasaan ang Betlehem? Ano ang pakay nila sa Betlehem?
- Sino si Jose? Sa ebanghelyo ni Lukas, kailan pa binabanggit ang katauhan ni Jose? 1 Sa anong lipi siya ng Israel? Ano ang dahilan at kailangang sa Betlehem siya magpapatala?
- Ito ba ang unang biyahe ni Maria sa Judea? Kailan siya unang pumunta sa isang lugar sa Judea? Ano ang kanyang ginawa doon?
- Sa Betlehem, nakatagpo ba ng “normal” na matutuluyan si Jose at Maria? Mahalaga ba na makatagpo sila ng matutuluyan? Saan sila nakatagpo ng matutuluyan?2
- Nang maisilang na niya ang sanggol ano ang unang-unang ginawa ni Maria ayon kay Lukas? Ang mga ginawa niyang ito ba’y naaayon sa kanyang tungkulin bilang ina?
- Meron bang nagbalita ng pagsilang ng sanggol ni Maria? Sino ang nagbalita at sino ang mga nakarinig? Nasaan ang mga nakarinig at ano ang kanilang ginagawa? Masasabi bang natanggap nila ang balita dahil sila noo’y gising at ginagawa ang kanilang tungkulin? May mga naaalala ka bang mga talata sa mga ebanghelyo kung saan ikinatutuwa ng Panginoon na abutan sa kanyang pagdating ang mga aliping nananatiling gising at ginagawa ang kanilang tungkulin. Magbigay ng halimbawa.
- May naaalala ka bang “papuri” na katulad ng papuri ng mga anghel sa kalangitan? 3
- Sa ebanghelyo ni Lukas, may naaalala ka bang papuri na katulad ng isinambit ng mga anghel? 4
- Ano ang balita ng mga anghel? Ang balitang ito ba’y katulad ng ipinangakong mangyayari ng anghel Gabriel kay Maria at sa sanggol nito?
- Paano makikilala ng mga pastol ang sanggol na isinilang? Sino ang naglagay ng sanggol sa sabsaban at nagbalot ng lampin dito? Sa pahayag ba ng mga anghel ay ipinahihiwatig na ng mga anghel ang tungkulin ni Maria?
Ang Pagdalaw ng mga Pastol
- Ano ang reaksyon ng mga pastol sa balita ng mga anghel?
- Paano sila pumunta sa Betlehem?5
- Ano ang kanilang nakita sa kanilang pagdating sa kinalalagyan ng sanggol?
- Ano ang ginawa ng mga pastol habang sila’y nasa kinalalagyan ng sanggol?
- Ano ang reaksyon ni Maria sa kanilang sinabi? Ano ang mga ginawa ni Maria?
- Ano ang nangyari sa ikawalong araw matapos ang pagsilang ng sanggol?
- Ano ang mga ginagawa sa pagkakataong ito? 6
- Sino ang nagbigay ng pangalan ayon kay Lukas? 7
Maiksing Paliwanag
Maraming masasabi tungkol sa mga talata ng Lukas 2:1-21. Ililimita natin ang pahinang ito sa mga sumusunod
- Ang Kaganapan ng mga Salita ng Anghel kay Maria
- Ang Sanggol na Isinilang na Dukha
- Ang Pahayag ng mga Anghel
- Ang Mga Pastol
- Ang Pagbibigay ng Pangalan
Ang Kaganapan ng mga Salita ng Anghel kay Maria. Ang salaysay sa Lukas 2:1-21 ay tungkol sa kaganapan ng mga salita ng anghel Gabriel kay Maria.
Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya’y papangalanan mong Jesus. Siya’y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan. (Luke 1:31-33)
Kung tutuusin, ang mga pangako ng anghel kay Maria ay tungkol sa pagsasakatuparan ng propesiya ni Isaias: “ang birhen ay magdadalangtao at magsisilang ng anak na lalaki; at ito ay tatatawaging “Immanu-El”, Diyos sa ating piling. At ito nga ay naganap sa Betlehem noong panahon ng pagtatala na isinagawa ni Quirinio. Ayon kay Lukas, naganap ang pagsilang ng sanggol sa Betlehem dahil kay Jose, na mula sa sambahayan ni David.
Ang Sanggol na Isinilang na Dukha. Ayon kay Lukas, dahil hindi makatagpo na masisilungang si Jose at Maria sa Betlehem, si Maria ay nagsilang sa isang “tahanan” para sa mga hayop. Si Jose at Maria sa mga pagkakataong ito ay mga migrante na hindi nakatanggap ng sapat na tulong mula sa iba, at siyang magiging tagapagligtas ng sangkatauhan ay hindi man lamang nabigyan ng lugar sa mundo ng tao sa kanyang pagsilang. Si Maria, sa lubos ng kanyang makakaya, ang nagbigay ng pagkalinga sa sanggol na kasisilang: kanya itong binalot sa lampin at inilagay sa isang sabsaban.
Ang Pahayag ng mga Anghel. Katulad ng nangyayari kapag ang isang tagapagmana ng kaharian ay isinisilang, may mga nagbalita ng pagsilang ng sanggol ni Maria. Ito ang anghel na nakita’t narinig ng mga pastol na noo’y nagbabantay ng kanilang mga tupa sa parang. Ang balita ng mga anghel ay maaaring hatiin sa apat na bahagi: (a)ang paanyayang huwag matakot at makinig sa mabuting balita; (b) ang balita mismo: ang kaganapan ng pagsilang ng Tagapagligtas sa Betlehem; (c) ang mga palatandaang magpapakilala sa bagong silang; (d) ang pagtatapos: papuri sa Diyos. Mapapansin na sa pahayag ng anghel, ang pagpapakilala kay Jesus bilang “Tagapagligtas” (sa griyego: soter), ay siya ring titulo na inilalapat sa Imperador ng Roma. At ikalawa ang papuri sa pagtatapos ay katulad ng matatagpuan sa Lukas 19:38
Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Kapayapaan sa langit!
Papuri sa Kataas-taasan! (Lukas 19:38)
Samakatuwid sa balita ng anghel ay naaaninag na kung paanong magiging Tagapagligtas ang bagong silang.
Ang mga Pastol. Ang mga pastol ang nakatanggap sa balita ng anghel dahil sila ang mga gising at nagbabantay sa mga oras na iyon. Kung tutuusin, ang mga pandiwang “magbantay” at “manatiling gising” ay mga salitang nagsasalarawan ng mga pastol. Ang mga pandiwa ring ito’y gagamitin ni Jesus para sa kanyang mga alagad na maghihintay sa muli niyang pagdating. Ang reaksyon ng mga pastol sa balita ng anghel ay pagtalima. Sila’y nagmamadaling pumunta sa pook na tinukoy ng mensaherong mula sa langit. Ang kanilang pagmamadali ay katulad ng pagmamadali ni Maria sa pagpunta kay Isabel. Ito ay pagmamadali ng mga misyonero. Sa kanilang pagdating sa lugar ng isinilang, nasaksihan ng mga pastol ang ibinalita sa kanila at kanilang ipinahayag sa mga naroroon ang kanilang mga narinig sa anghel. Kahit sa Maria, na nakakaalam na ng mga pangyayari ay nakinig sa kanilang pahayag, tinandaan ito at pinagbulay-bulayan.
Ang Pagbibigay ng Pangalan. Sa ikawalong araw ng pagsilang ng isang lalaking sanggol, ito’y tinutuli at ibinibigay ng ama ang pangalan ng sanggol. Ang sanggol na Judio ay tinutuli upang ipakitang siya’y bahagi ng angkan ni Abraham. Gayun di’y ibinibigay ng ama ang pangalan ng sanggol at binibigyan niya ng garantiya na ang sanggol ay kasapi sa isang lipi ng mga anak ni Israel. Samakatuwid, sa ikawalong araw, si Jesus na isinilang ni Maria ay naging opisyal na “anak ni Abraham, mula sa lahi ni Judah, ng tahanan ni David”.
Nguni’t mayroon isang natatagong katotohanan sa kaganapang ito. Maaaring sa harap ng bayan ng Israel ang isinilang ni Maria ay “anak ni Jose, ng lipi ni David”. Nguni’t alam natin na ang nagbigay ng pangalan ay hindi si Jose kungdi ang Diyos Ama, sa pamamagitan ng anghel Gabriel. Kung kaya naman sa likod ng yugtong ito sa buhay ng bagong silang, ang pagkilala sa kanya bilang “Anak ng Kaitaas-taasan” ay nakatago at kailangan pang mabasa ang kabuuan ng ebanghelyo ni Lukas upang maunawaang mabuti.
Basahin na lamang ang gabay na matatagpuan sa “Mag-aral Tayo”.
- Sa salaysay ng pahayag ni Gabriel kay Maria. [↩]
- Sa isang ‘tahanan’ para sa mga hayop. [↩]
- Ang “Gloria in excelsis” sa ating Misa. [↩]
- Ang papuri ng mga tao sa Dakilang Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, Lukas 19 [↩]
- Sila’y nagmamadali. [↩]
- Pagtutuli ng sanggol na lalaki at pagbibigay ng pangalan [↩]
- Ang Diyos Ama sa pamamagitan ng anghel Gabriel. [↩]
You must log in to post a comment.
{ 1 trackback }