Post image for Sa Kapangyarihan ng Anak (Markos 1:21-28)

Sa Kapangyarihan ng Anak (Markos 1:21-28)

by biblista on 2012/01/08

Balangkas ng Markos 1:21-28

  • Pambungad ng Salaysay (21a)
  • Reaksyon ng mga tao sa Pagtuturo ni Jesus (21b-22)
  • Ang Pagpapalayas ng Masamang Espiritu (23-26)
  • Reaksyon ng mga tao sa Pagpapalayas ng Masamang Espiritu (27)
  • Ang Pagkalat ng Balita tungkol kay Jesus (28)

Ang Daloy ng Parirala: Markos 1:21-28

21Nagpunta sina Jesus

sa Capernaum,

at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga
ay pumasok si Jesus

sa sinagoga
at nagturo

.
22Namangha ang mga tao

sapagkat nagtuturo siya
nang may kapangyarihan,

hindi tulad

ng mga tagapagturo ng Kautusan.

23Bigla namang pumasok sa sinagoga

ang isang lalaking
sinasapian ng masamang espiritu

. Ito’y sumigaw,

24 “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret?
Naparito ka ba upang kami’y puksain? Kilala kita,
ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

25Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu,

“Tumahimik ka!
Lumabas ka sa kanya!”

26Pinangisay ng masamang espiritu

ang lalaki

at sumisigaw itong lumabas sa

kanya.

27 Ang lahat ay namangha
kaya’t sila’y nagtanungan sa isa’t isa,

“Paanong nangyari iyon?
Ito ay isang kakaibang katuruan!
Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu,
at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”

28Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.

Maiksing Paliwanang

Ipinagpapatuloy sa Markos 1:21-28 ang naunang yugto sa pagtawag sa mga unang alagad; nag-umpisa na ang kanilang pagsasanay.

Ang Cafernaum ay isang nayon sa tabi ng Lawa ng Galilea. Taga-rito si Simon Pedro at ang kanyang biyenan na ginamot ni Jesus. Sa Cafernaum ay may isang sinagoga na pinasok ni Jesus. Ang sinagoga ay isang lugar kung saan tuwing Sabado ay nagkikita-kita ang mga Judio upang makinig sa Torah at manalangin. Hindi lahat ng mga Judio ay nakakapunta sa Templo para sa lingguhang pagsamba. Ano ba ang ginagawa ng mga Judio sa sinagoga? Ganito ang pagsasalarawan ng isang eksperto:

Ang mga babai’t lalake ay magkahiwalay ng upuan. Ang pagsamba ay nag-uumpisa sa orasyon ng Shema, ang pagpapahayag ng pananampalataya ng mga Judio. Ito ay sinusundan ng isang mahabang panalangin sa pangunguna ng isa sa mga nanduon. Sa simula ang panalangin ay improbisado, nguni’t sa kalaunan ang mga panalangin ay naging pormulado at naging bahagi ng mga aklat ng orasyon. Isang bahagi ng Torah ay binabasa sa Ebraiko, pagkatapos ay binabasa naman ang isang salin nito sa Aramaiko (Targum). Pagkatapos, isa sa mga nanduon ay nagbibigay ng homiliya. Ang pagbasa mula sa mga propeta ay maagang naidagdag sa pagbasa ng Tora. Kung may pari na nanduon, ang pagsamba ay magtatapos sa pagpapalang iginagawad ng mga pari (Bilang 6:24-26)

Si Jesus ay nakapagturo ng araw na iyon bilang isa sa mga kasapi ng sinagoga. Ang mga nakarinig sa kanya ay namangha dahil hindi siya nagturo na katulad ng mga eksperto ng Kasulatan. Noon kasi, ang mga eskriba at Pariseo ay nagtuturo ayon sa kapangyarihan ng kanilang mga guro. “Sabi ni Rabbi X…” ang kanilang pag-uumpisa. Alam natin na si Jesus ay nagtuturo sa sariling kapangyarihan bilang Anak. At ito nga ay pinatunayan ng masamang espiritu na nagtulak sa kanyang sinasapian sa loob ng sinagoga.

Ayon sa masamang espiritu, kilala niya si Jesus, “Ang Kabanal-banalan ng Diyos”. Magiging malinaw sa mga susunod na yugto ng ebanghelyo ni Markos kung ano ang ibig sabihin ng bansag na ito. Sa ngayon, maari nating sabihin ang ganito: Sa Lumang Tipan, ang isang tao o bagay na banal ay hindi dapat nadadaiti sa isang bagay na hindi banal, dahil nga ang banal ay mahahawa sa pagiging hindi banal nitong huli. Sa Lumang Tipan, parang mahina ang kabanalan; kailangang alagaan ang mga banal, ipagsanggalang nang hindi mapawi ang kanilang kabanalan. Sa Bagong Tipan, kung saan pumupunta ang Kabanal-banalan ng Diyos, ang mga masasama at marurumi ay napapawi. At ito nga ay napatunayan sa pagpapalayas ng masamang espiritu.

Sa bandang huli, ipinapaunawa sa atin kung paanong ang mga salita ni Jesus ay makapangyarihan. Ito’y dahil napangyayari nito ang nais niyang sabihin. Nag-uutos siya sa mga masamang espiritu, at sila’y sumusunod naman.

Mga Tanong tungkol sa Teksto

  1. Saan nagpunta si Jesus? Sino ang kanyang mga kasama?
  2. Kailan pumasok si Jesus sa sinagoga? Nasaan ang sinagoga?1

  3. Ano ba ang ginagawa sa sinagoga? Paanong nakapagturo si Jesus doon?
  4. Ano ang dahilan ng pagkamangha ng mga tao? Paano ba nagtuturo ang mga tagapagturo ng Kautusan?
  5. Habang nagtuturo si Jesus, ano ang nangyari? Anong uri ng tao ang pumasok?
  6. Sino ang nagsasalita sa talata 24, ang tao o ang sumaping masamang espiritu?
  7. Kilala ba ng masamang espiritu si Jesus? Ano ang kanyang pagkilala kay Jesus?
  8. Natakot ba si Jesus sa masamang espiritu? Ano ang kanyang ginawa? Ito ba ang unang beses na humarap si Jesus sa isang masamang espiritu? Nakaharap na ba ni Jesus ang isang masamang espiritu?2
  9. Sa utos ni Jesus, ano ang ginawa ng masamang espiritu?
  10. Ayon sa mga tao, ano ang dahilan at sinabi nilang kakaibang katuruan ang ipinakita ni Jesus?

  1. Malapit sa tahanan ni Simon Pedro kung saan tumitira si Jesus kapag siya’y nasa Capernaum. []
  2. Oo, sa Disyerto kung saan hinarap niya ang Diyablo. []

{ 1 trackback }

Previous post:

Next post: