jesus

Wasakin Ninyo ang Templong Ito (Juan 2:13-22)

by biblista on 2012/02/19

Balangkas ng Salaysay

  1. Ang Pagdalaw ni Jesus sa Templo ng Jerusalem
    • Ang Pagdalaw ni Jesus sa Templo (13)
    • Ang kanyang ginawa sa templo (14-17)
      • nakita niya (14)
      • gumawa ng panghampas at itinataboy ang mga nangangalakal(15)
      • pinagsabihan ang mga nagtitinda ng kalapati (16)
  2. Ang Tandang Ibinigay ni Jesus
    • Ang tandang hiningi ng mga Judio (18)
    • Ang tugon ni Jesus (19)
      • Ang hindi pagkaunawa ng mga Judio (20)
      • Ang “templong” tinutukoy ni Jesus (21)
      • Sa alaala ng mga alagad (22)

Daloy ng Parirala Juan 2:13-22

13Malapit na
ang Araw ng Paglagpas ng mga Judio

at umahon

si Jesus
patungong Jerusalem.

14Nakita niya

sa templo
ang mga nagtitinda
ng mga baka,
ng mga tupa
at ng mga kalapati,
at ang mga mamamalit-salapi na nakaupo.

15Pagkagawa niya ng panghagupit na lubid

ay tinaboy niya
silang lahat
papalabas sa templo
pati na ang mga tupa
at ang mga toro.
Ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit-salapi
at itinumba ang kanilang mga mesa.
16Sa mga nagtitinda ng kalapati
ay sinabi niya:
Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito.
Huwag ninyong gawing bahay-kalakal
ang bahay ng aking Ama.

17Naala-ala ng kaniyang mga alagad na nasusulat:
Pinagharian ako ng kasigasigan sa iyong bahay.

18Sumagot nga ang mga Judio
at sinabi sa kaniya:

Anong tanda ang maipapakita mo sa amin
yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?

19Sumagot si Jesus
at sinabi sa kanila:

Gibain ninyo ang banal na dakong ito
at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.

20Sinabi nga ng mga Judio:

Apatnapu’t-anim na taon ang pagtatayo ng banal na dakong ito
at itatayo mo sa loob ng tatlong araw?

21Ngunit ang banal na dako na kaniyang tinutukoy

ay ang kaniyang katawan.

22Nang ibinangon nga siya mula sa mga patay
ay naalala ng kaniyang mga alagad na sinabi niya ito sa kanila.
Sumampalataya sila

sa kasulatan at
sa salita na sinabi ni Jesus.

Mga Katanungan tungkol sa Juan 2:13-22

  1. Kailan umakyat si Jesus patungong Jerusalem?
  2. Ano ang Araw ng Paglagpas? Ano ang ipinagdiriwang ng mga Judio sa araw na ito?
  3. Ano ang tinungo ni Jesus sa Jerusalem?
  4. Ano ang kaugnayan ng Templo sa Araw ng Paglagpas? 1
  5. Ano ang kanyang nakita sa Templo?
  6. Ano ang dahilan at may mga tagapalit-salapi at nagtitinda ng hayop sa Templo?2
  7. Ano ang kanyang sinabi sa mga nagtitinda ng kalapati? Ano ang dahilan at sila ang kanyang piniling pagsabihan?
  8. Nagustuhan ba ng mga Judio ang iginawi ni Jesus?
  9. Ano ang kanilang hiningi sa kanya?
  10. Ano ang tandang ibinigay ni Jesus sa kanila?
  11. Sa pang-unawa ni Ebanghelistang Juan, naunawaan ba ng mga Judio ang tinuran ni Jesus?
  12. Ano ang Templong tinutukoy ni Jesus?
  13. Ayon sa mga Kasulatan ng Bagong Tipan, kapag binanggit ang “Katawan ni Kristo” ano ang tinutukoy?
  14. Kailan naunawaan ito ng mga alagad?

Maiksing Paliwanag

Ang salaysay ng paglilinis ni Jesus sa Templo ay inilagay ni Markos — na sinundan naman nina Mateo at Lukas — sa mga huling araw ng paninilbihan ni Jesus. Si Juan ang naglagay nito sa umpisa ng paninilbihan ni Jesus, pagkatapos ng unang tandang kanyang ginawa sa Cana (Juan 2:1-12). Samakatuwid, ang mga salaysay ng paninilbihan ni Jesus — sa pagkakaayos ni Markos — ay aabot sa sukdulan sa yugto ng kanyang pagpasok sa templo ng Jerusalem kung saan magiging maigting din ang kanyang pakikipagtuos sa mga lider ng mga Judio. Ayon kay Raymond Brown — eksperto sa pag-aaral ng ebanghelyo ni Juan — maaaring ang Ebanghelistang Juan ay mas tama sa kanyang ginawa.

Ang salaysay ng paglilinis ng Templo ay katulad ng matatagpuan sa ebanghelyo ni Markos, bagaman mas maraming detalyeng ibinigay si Juan. Ang kaibahan dito ay ang mga Kasulatang ginamit upang ipaliwanag ang kaganapan. Sa Markos (at Mateo), si Jesus ay sumitas ng mga talatang hinalaw mula sa Isaiah 56:7 at Jeremias 7:11. Sa Juan, hindi sumitas si Jesus, bagaman siya’y nagsabi ng mga salitang katulad ng mga talatang nabanggit:

Ilabas ninyo ang mga ito
at huwag ninyong gawing bahay-kalakal
ang tahanan ng aking Ama.

Si Jesus, kung gayon ay pumasok sa Templo bilang Anak na maglilinis ng bahay. Ang mga alagad ang nakaalala ng isang talata mula sa Salmo 69:10 — ang panalangin ng isang deboto ng Diyos na nagpapakasakit dahil sa kanyang pananampalataya.

Ang paghaharap ng mga Judio at ni Jesus sa susunod na yugto ay kay Juan lamang matatagpuan. Sa mga Sinoptiko (Markos, Mateo at Lukas), nagnasa ang mga punong pari at eskriba na patayin si Jesus, nguni’t hindi nila ito magawa. Sa Mateo, hinarap ng mga lider si Jesus hindi dahil sa kanyang ginawa sa Templo kundi dahil sa mga ikinakanta ng mga bata tungkolsa kanya.

Ang usapin sa paghaharap na ito ay tungkol sa isang “tanda”. “Ano” sabi ng mga Judio, “ang tanda na maipapakita mo bilang pruweba na may karapatan ka sa ginawa mong ito”? Sa Mateo at Lukas, ang tanda ay hiningi ng mga lider tungkol sa kanyang paninilbihan. Doon, ang tandang ibinigay ni Jesus ay ang tanda ni Jonas, a propetang sa loob ng tatlong araw ay nanatili sa kaibuturan ng Ades (tingnan ang Jonas 2, ang panalangin ng propeta sa sikmura ng balyena). Para kay Mateo ang tanda ay tumutukoy sa Muling Pagkabuhay. Kay Lukas, ang tanda ay si Jesus mismo na nag-aanyaya sa pagbabagong-loob. Dito kay Juan, ang tugon ni Jesus ay “Sirain ninyo ang templong ito at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli” (t. 19)

Hindi naintindihan ng mga Judio ang tinuran ni Jesus. Ang pagtukoy sa “Templo” ay may dalawang kahulugan. Katulad ni Nicodemos sa Juan 3, at ng Samaritana sa may Balon ni Jacob (Juan 4) ang hindi pagkakaunawa ay ginamit ni Jesus upang ituro sa kanila ang isang mas malalim na katotohanan. Ang tinuran ni Jesus ay naunawaan ng mga alagad pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli (t. 22). Ang tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang Katawan na wawasakin ng mga Judio sa Krus nguni’t itatayo namang muli sa ikatlong araw.

Sa salaysay ni Markos tungkol sa paglilitis kay Jesus sa harap ng Sinedrio, may nagsabi na ipinakita raw ni Jesus ang kanyang paglapastangan sa Templo sa ganitong mga salita:

Wawasakin ko ang Templong ito na gawa sa kamay ng tao
at magtatayo ako ng isa pa na hindi gawa ng mga tao (Mk 14:58)

Naunawaan ng testigo na isang Templong espiritwal ang itatayo ni Jesus. Sa Juan, ang Templo ng Katawan ng Panginoon na itatayo sa ikatlong araw ay magiging dakong banal kung saan ang Diyos ay sasambahin sa espiritu at katotohanan (cf. Jn. 4:34). Ito ang Iglesya, ang kanyang Katawan: “Sapagka’t tayo ang Templo ng Diyos na Buhay” (2 Cor. 16:16; tingnan Col. 1:24 at Eph 2:19-22)

  1. Ang Templo ay ang tanda ng presensya ng Diyos sa gitna ng kanyang bayan. Sa Araw ng Paglagpas ay ina-alala ng mga Judio ang pag-angkin sa kanila ng Diyos laban sa Faraon ng Ehipto. []
  2. Ang mga hayop ay ginagamit sa paghahandog, at ang mga ito’y binibili sa Templo gamit ang salaping pang-Templo lamang. []

{ 2 trackbacks }

Previous post:

Next post: