cross

Ang Pagsampalataya sa Anak ng Tao (Juan 3:13-21)

by biblista on 2012/02/23

Balangkas ng Juan 3:14-21

  • Ang Pagtataas ng Anak ng Tao (14-15)
  • Ang Pagsampalataya sa Anak (16-17)
  • Ang Paghatol Para sa mga Umiibig sa Karimlan (18-21)

Daloy ng Parirala

14 At kung paanong
itinaas ni Moises
ang tansong ahas
doon sa ilang,

gayundin naman,

kailangang itaas ang Anak ng Tao,

15 upang ang sinumang

sumampalataya sa kanya
ay magkaroon
ng buhay na walang hanggan.

16 Sapagkat

gayon na lamang
ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan,

kaya’t ibinigay niya

ang kanyang kaisa-isang Anak,

upang ang sinumang sumampalataya sa kanya

ay hindi mapahamak,
kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak,

hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao,
kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya.

18 Hindi hinahatulang maparusahan

ang sumasampalataya sa Anak.
Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya,
sapagkat hindi siya sumampalataya
sa kaisa-isang Anak ng Diyos.

19 Ganito ang paghatol ng Diyos:

naparito sa sanlibutan ang ilaw,
ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag,
sapagkat ang kanilang mga gawain ay masasama.

20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama

ang ilaw,

ni hindi lumalapit dito

upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa.

21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan

ay lumalapit sa ilaw,
upang maihayag na
ang mga ginagawa niya
ay pagsunod sa Diyos.

Mga Tanong Tungkol sa Talata

  1. Sino si Nicodemo? Anong oras dumating si Nicodemo upang makipag-usap kay Hesus?
  2. Kailan itinaas ni Moyses sa ilang ang Ahas? Ano ang nangyari nang itaas niya ang Ahas? Ano ang dahilan at itinaas niya ang Ahas? Ano ba ang nangyari’y kinailangang itaas ang Ahas? May kaugnayan ba ang pagtataas ng Ahas sa mga gawi ng gawi ng Israelita?
  3. Ano ang tinutukoy ni Hesus sa pagtataas ng Anak ng Tao? Ito ba ay may kaugnayan sa Kanyang pagbaba mula sa langit?
  4. Ang mga sinasabi ba ni Hesus dito ay may kaugnayan sa sinulat ni Juan tungkol sa Salita ng Diyos1?
  5. Sino ang Anak na sinugo ng Diyos?
  6. Ano ang dahilang ibinigay ni Hesus sa pagsusugo ng Diyos sa kanyang Anak?
  7. Siya ba ay pumunta sa mundo upang hatulan ito?
  8. Ang kahatulan ba ay para sa mga sumasampalataya?
  9. Paanong hahatulan ang mga tao?
  10. Ano ang Ilaw na binabanggit sa t. 19?
  11. Bakit ayaw sa liwanag ng mga gumagawa ng masama?
  12. Sino ang lumalapit sa liwanag? Saan nagmumula ang kanyang lakas ng loob na lumapit sa liwanag?

Maiksing Paliwanag

Ang Kabuuan ng Juan 3:1-21. Ang pag-uusap ni Jesus at ni Nicodemo ay may dalawang bahagi. Sa unang bahagi (tt.3-8), ang salitang susi ay “ipanganak”. Ang ikalawang bahagi naman (tt. 9-21) ay maari pang hatiin sa tatlong bahagi. Sa mga tt. 9-12 ang salitang susi ay “magsalita”, “sumaksi”, “magpahayag”, sa tt. 13-15, “langit”, “itaas”, at sa tt. 16-21 lumalabas ang “buhay na walang hanggan”, “paghahatol”, “liwanag”, “karimlan”. Ang ikalawang bahagi ay sinasakop ng tema ng “pananampalataya”. Sa mga talatang ito, ang mga salitang “paghahari ng Diyos”, “buhay na walang hanggan” at “mabuhay sa katotohanan” ay isa lamang ang kahulugan.

Ang Pagtataas ng Anak: Pananampalataya at Buhay Ang mga tt. 13-17 ay tungkol sa Anak ng Tao na isinugo mula sa langit. Tulad ng tansong ahas na itinaas ni Moises sa disyerto, gayundi’y kailangan siyang itaas upang ang mga sasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan (tt.14-15). Ito ay dahil sa laki ng pag-ibig ng Diyos sa tao (t. 16); isinugo Niya ang pinakamamahal na Anak hindi upang humatol kundi upang sa pamamagitan niya ay maligtas ang tao (17).

Ang Paghatol: Liwanag at Karimlan Sa tt. 18-21 ay ipinapaliwanag kung paanong ang paghahatol ay magaganap. Ang Liwanag na sa umpisa pa’y nagbibigay na ng Buhay — ang Salita ng Diyos sa Juan 1:1ss — ay dumating sa sanlibutan (1:9.10). Ito ang Liwanag na hindi magapi ng Karimlan (1:5). Gayunpaman, ang mga gumagawa ng masama ay hindi lumapit dito sapagka’t sila nga’y umiibig sa Karimlan (1:11). Nguni’t silang namumuhay na makatarungan ang lumalapit sa Liwanag dahil nga ang kanilang mga gawain ay ayon sa kagustuhan ng Diyos (tingnan: Juan 1:12-13). Silang mga nananatili sa Karimlan ay hindi makakatikim ng buhay na walang hanggan.

  1. tingnan ang Juan 1 []

{ 1 trackback }

Previous post:

Next post: